Monday, September 10, 2007

ANG ALAMAT NG BUWAN AT MGA BITUIN


Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang buwan ni bituin. Bakit kaya tumaas ang langit? Narito sa alamat na ito ang mga sagot.

Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay-kubo. Si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda.

Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay.

"Maria, magbayo ka ng palay," ang wika ng ina.

"Opo," ang sagot ni Maria, nguni't hindi siya kumilos.

"Maria, magmadali ka," ang tawag na muli ng matanda. "Wala tayong bigas na isasaing."

"Opo, sandali po lamang," ang tugon ni Maria, nguni't hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig.

"Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Madali ka," ang galit na galit na utos ng matanda.

Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay. Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Nalalaman niyang kapag galit na galit na ang kanyang nanay ay dapat siyang sumunod nang madali. Nagbayo na siya nang nagbayo ng palay. Pagkatapos ng ilang sandali, siya ay pinawisan.

"Napupuno ng pawis ang aking kuwintas," ang wika ni Maria sa kanyang sarili.

"Hinubad niya ang kuwintas. Inalis ang kanyang suklay. Isinabit ang mga ito sa langit na noon ay mababang-mababa at naabot ng kamay. Samantalang siya ay nagbabayo ay tinitingnan ang suklay at kuwintas.

"Kay ganda ng aking suklay at kuwintas," ang wika ni Maria sa kanyang sarili. "Pagkatapos na pagkatapos ko nang pagbabayo ng palay ay isusuot ko uli ang aking suklay at kuwintas."

Sa gayong pagsabi ay dinalas niya ang pagbabayo ng palay upang ito ay matapos at maisuot niya uli ang suklay at kuwintas. Tumaas ng tumaas ang pagbuhat niya ng halo at dumalas nang dumalas ang pagbagsak nito sa lusong. Umaabot na pala ang dulo ng halo sa langit, nguni't hindi niya napapansin. Sa palay na ngayon ang kanyang tingin. Tinitingnan niya kung malapit na siyang makatapos upang maisuot niya ang suklay at kuwintas. Itinaas pa niyang lalo ang pagbuhat ng halo upang lumakas ang pagbagsak nito sa lusong at nang madaling mabayo ang palay.

Sa bawa't pagtaas pala niya ng halo ay bumubunggo ang halo sa langit at sa bawa't pagbunggo naman ay tumataas ang langit. Nang mapuna ni Maria ang nangyayari ay mataas na ang langit. Tangay-tangay ang kanyang gintong suklay at kuwintas. Hindi na niya maabot ang mga ito.

Tumaas nang tumaas ang langit. Tumaas din nang tumaas ang suklay at kuwintas. Noong gabing yaon ay umupo si Maria sa may bintana at tinintingnan niya ang langit na ngayon ay mataas na mataas na. Hinanap niya ang kanyang suklay at kuwintas. Naroroon ang kanyang gintong suklay at siyang naging buwan. Ang mga gintong butil ng kanyang kuwintas at nagkahiwa-hiwalay at siya namang naging mga bituin.

"Lalong maganda ngayon ang aking gintong suklay," ang wika ni Maria sa kanyang sarali, "At anong kinang ng mga butil ng aking kuwintas!"

No comments: